NPA-Central Front sa Isabela, Nabuwag na

135

Cauayan City, Isabela- Nalusaw na ang grupo ng Central Front ng Komiteng Rehiyong Cagayan Valley na gumagalaw sa Lalawigan ng Isabela.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Army Major Oscar Blanza, Executive Officer ng 95th Infantry Battalion, 5th Infantry Division, Philippine Army sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kanya.

Aniya, matagal nang nabuwag ang grupo ng mga rebelde na gumagalugad sa Isabela dahil na rin sa kanilang pagkawatak-watak at pagsuko ng maraming rebelde.


Habang ang ibang kasapi ng Central Front na hindi pa nagbabalik loob ay kinuha na ng Regional Sentro De Grabidad na ngayo’y gumagala sa ilang bulubunduking bahagi ng Isabela.

Gayunman, batid aniya ng kasundaluhan ang nararanasang paghihirap ngayon ng mga rebelde dahil na rin sa pagtatakwil ng mga mamamayan sa kanilang presensya.

Nagpapakita lamang aniya nito na namulat na ang mamamayan sa mga kasinungalingan at panloloko ng mga komunistang NPA.



Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Maj Blanza ang mamamayan na huwag magpalinlang sa panghihikayat ng mga rebeldeng grupo upang hindi mabiktima ng kanilang ideolohiya.

Hinihimok din ng opisyal ang mga natitira pang kasapi ng NPA na sumuko na sa pamahalaan upang makapamuhay na ng masaya at payapa kasama ang pamilya.


*Tags: 98.5 ifm cauayan, cauayan city, isabela, luzon, npa central front, 95th infantry battalion, 5th infantry division, philippine army, *Army Major Oscar Blanza,

Facebook Comments