*City of Ilagan, Isabela – *Inako ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang pagdis-arma sa Pulis ng Divilacan kaninang umaga sa Sitio Lagis, Barangay Sindon Bayabo, Ilagan City, Isabela.
Sa ipinadalang pahayag sa 98.5 iFM Cauayan ng NPA – Reynaldo Piñon Command (NPA-RPC Central Isabela) inaako ang aksyong pang-aagaw ng armas sa dalawang kapulisan matapos ang isinagawang check-point ng rebelde sa bahagi ng DENR at LGU Ilagan Checkpoint kung saan naharang sina PMSgt Julius Baribad at PCpl. Bryan Balisi na kapwa kasapi ng PNP Divilacan.
Agad umanong inagaw ng nasa dalwampu’t limang armadong rebelde ang mga dalang baril ng dalawang pulis na hindi na nakapalag matapos na sila’y palibutan at tutukan ng matataas na kalibre ng baril.
Kasabay nito ang pagdukot sa tatlong kasapi ng Provincial Task Force on Environment ng Isabela.
Ito’y bilang ganti umano ng Komunista sa gobyerno na kung saan kamakailan ay puwersahang pinalayas sa kanilang lupain at pina-demolished ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang mga tahanan ng nasa 55 na magsasakang pamilya sa kahabaan ng bagong ginagawang daan na Ilagan-Divilacan Road.
Ayon sa grupo, dapat iginalang ang karapatang pantao lalo na ang karapatan sa buhay nang mga magsasakang pinalayas di umano ng mga kapitalista at politiko na kinasasangkapan ang IETF, ang AFP at PNP sa pansariling interes.
Sa ngayon ay nakapaglatag na ng checkpoint ang mga tropa ng pamahalaan sa bayan ng San Mariano at Lungsod ng Ilagan para sa posibleng pagkakaaresto ng mga salarin.
Pinaigting din ang pagpapatrolya ng kapulisan sa mga pangunahing daan ng probinsiya sa kautusan ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) upang hindi na maulit ang naturang pangyayari.