NPA, patay sa engkwentro sa Batangas City

Batangas City – Patay ang isang miyembro ng New People’s Army matapos na magkaengkwentro ang rebeldeng grupong NPA at mga tauhan ng 730th Combat Group ng Philippine Airforce at PNP Batangas Provincial Public Safety company sa Mt. Banog, Barangay Talumpok Silangan, Batangas City kaninang umaga.

Sa ulat ni Col Arnulfo Marcelo Burgos Jr, Commander ng 202nd Brigade, alas 8:50 ng umaga kanina nagsasagawa ng security operation ang militar at pulisya sa Barangay Talumpok Silangan, Batangas City nang maka-sagupa ang mga rebelde.

Nagtagal ng 40 minuto ang sagupaan bago nagsitakas ang mga nakalaban rebelde.


Narekober ng military sa pinangyarihan ng sagupaan ang bangkay ng rebelde at isang M16 rifle at bandolier na may ammunition.

Nakita rin ng militar sa lugar ang mga nakataling lubid na hinala nila ay gagamitin ng NPA sa pag-detonate ng Improvised Explosive Device.

Wala namang naitalang sugatan at nasawi sa tropang pamahalaan.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operation at checkpoint ng militar at pulisya laban sa mga nakasagupang rebelde.

Facebook Comments