Cauayan City, Isabela- Kumalas na rin sa grupong New People’s Army (NPA) ang isang rebelde na boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan sa Brgy San Rafael, Roxas, Isabela.
Sa ibinahaging impormasyon ng Police Regional Office (PRO) 2, kinilala ang sumuko na kilala sa alyas “Bobot” na dating kasapi ng komyunistang grupo sa ilalim ng Unit Guerilla 2 sa pamumuno ng kanilang Kumander na si Danny Maur o mas kilala bilang “Ka Bira o Ka Henry”.
Ang “Ka Bira o Ka Henry” ay isang grupo na nagsasagawa ng operasyon sa bahagi ng San Mariano, Ilagan City at Quezon, Isabela maging sa Peñablanca, Cagayan at ilang bahagi ng Mountain Province sa Cordillera.
Si Ka “Bobot” ay miyembro din ng iba’t-ibang militanteng organisasyon na sumusuporta sa mga ideolohiya ng NPA tulad ng Agbiag Matusalem Roxas, Isabela (AMARI), Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (DAGAMI), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Anak Pawis Party List na pasimuno sa mga kilos protesta laban sa gobyerno sa probinsya ng Isabela.
Nagpasya umano si Ka Bobot na sumuko dahil sa mga programa ng gobyerno gaya ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na naglalayong bigyan ng tulong at kalinga ang mga kagaya niya na magbabalik-loob sa pamahalaan.
Nakumbinsi si “Ka Bobot” na sumuko kahapon, April 10, 2021 sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela, City Intelligence Unit ng Santiago 141 SAC, 14SAB, PNP-SAF, Roxas Police Station at Provincial Intelligence Branch, Isabela PPO.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Roxas Municipal Police Station si Ka Bobot para sa tamang disposisyon.