NPC, dumistansya sa tangkang pangingialam ni Asec. Mocha Uson sa Malakanyang Press Corps

Manila, Philippines – Hindi makikialam ang National Press Club o NPC sa tangkang pangingialam ng Presidential Communications Operation Office o PCOO sa usapin ng pag-reclassify ng Rappler bilang isang social media.

Ayon kay NPC President Paul Gutierrez ipinaubaya na nito ang naturang usapin sa Malacañang Press Corps (MPC) dahil ito umano ay internal na isyu na dapat resolbahin ng naturang organisasyon.

Una rito naglabas ng mensahe ang MPC matapos lumabas sa balita na hiniling ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson kay Secretary Martin Andanar na i-reclassify ang Rappler bilang isang social media site mula sa pagiging isang online news organization.


Paliwanag ni Gutierrez, nirerespeto nito ang pahayag ng MPC, dahil naniniwala ang Pangulo ng NPC na sinusunod ng naturang organisasyon ang kanilang panloob na panuntunan kung saan ay pasok ang Rappler dahil ito ay isang established news organization na mayroong deployment ng reporters sa Malacanang, Senado, Kamara, AFP, at Hudikatura at noong 2013 pa ito miyembro ng MPC.

Giit ni Gutierrez, independent ang Malacañang Press Corps at hindi pwede diktahan ng Pangulo ng bansa o kahit sinumang opisyal ng gobyerno para sa kanilang pansariling kapakanan.

Facebook Comments