Nagpaalala ang National Privacy Commission (NPC) sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa paggamit sa social media para tugisin ang mga lumalabag sa quarantine protocols.
Ayon kay NPC Commissioner Raymond Liboro, bagama’t may mabuting gamit ang social media para magawa ng mga awtoridad ang kanilang trabaho, dapat ay balansehin ng mga ito ang paggamit sa teknolohiya.
Aniya, hindi rin dapat ito abusuhin dahil may mga batas na sumasaklaw sa paggamit nito.
Maaari kasi aniyang malabag nito ang data privacy ng isang tao.
Samantala, tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III na dadaan sa beripikasyon ang mga post sa social media para malaman kung may violation sa minimum health protocol.
Aminado kasi ang DILG na maraming fake news ang nagkalat sa social media.
Nakadepende naman sa ordinansa ng Local Government Units (LGUs) ang parusa sa mga violator.