Nagbabala ang National Privacy Commission (NPC) laban sa mga establisyimento dahil sa mali at kwestiyonableng paggamit sa contact tracing data ng mga customer.
Nabatid na nasa 11 establisyimento ang pinagpapaliwanag ngayon ng NPC dahil sa umano’y maling paghawak ng contact tracing data ng kanilang mga customer.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NPC Commissioner Raymund Liboro na dumarami ang natatanggap nilang reklamo hinggil sa maling paghawak ng kanilang personal data sa mga contact tracing form.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit hindi sinusulatan nang tama ng mga customer ang form dahil sa kawalang-tiwala sa pagtatago ng kanilang personal data.
Binigyang-diin ni Liboro na ang tanging layunin ng pagsagot sa contact tracing form ay para makatulong sa paglaban sa COVID-19.
“Itong aming inisyatiba ngayon talaga para maglagay ng tiwala sa buong koleksyon na nangyayari kasi kung hindi yon pagtitiwalaan ng mga mamamayan, tama ang sinabi niyo hindi magbibigay ng tamang impormasyon iyan.” ani Liboro.
Sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012, ang malicious disclosure at paggamit sa personal at sensitibong impormasyon ng isang tao nang walang permiso ay may kaparusahang isa hanggang apat na taong pagkakakulong at multa na hanggang limang milyong piso.