NPC, nagkasa na rin ng imbestigasyon sa umano’y hacking incident sa COMELEC

Nagkasa na rin ang National Privacy Commission (NPC) ng sarili nitong imbestigasyon hinggil sa umano’y hacking incident sa data server ng Commission on Election kung saan nakuha ang ilang sensitibong impormasyon na may kinalaman sa 2022 elections.

Ayon kay NPC Commissioner John Naga, inobliga na nila ang COMELEC na ipaliwanag ang naturang alegasyon.

Inatasan din ang poll body na isumite sa NPC ang resulta ng imbestigasyon nito hanggang sa Enero 21, 2022.


Samantala, hinimok naman ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang COMELEC na maging transparent sa ginagawa nitong imbestigasyon.

Giit niya, bagama’t walang kasiguraduhan na totoo ang ulat ay hindi pa rin ito dapat balewalain dahil maaari nitong makompromiso ang kredibilidad ng halalan sa Mayo.

Kahapon ay naghain na ng panukala si Zarate sa Kamara upang imbestigahan ang nasabing hacking incident.

Tiwala naman ang mambabatas na hindi maaapektuhan ng gagawin nilang imbestigasyon ang preparasyon ng poll body para sa nalalapit na eleksyon.

Facebook Comments