
Nag-isyu ang National Privacy Commission (NPC) ng cease and desist order (CDO) laban sa Tools for Humanity (TFH) dahil sa paglabag nito sa Data Privacy Act (DPA) of 2012.
Ayon sa inilabas na pahayag ng NPC, isinampa ang CDO ng Complaints and Investigation Division (CID) at napag-alaman ng kanilang ahensya na ang TFH ay hindi sumunod sa General Privacy Principles at nilabag ang Rights of Data Subject sa ilalim ng DPA.
Ilan sa kanilang nilabag ay ang invalid consent sa mga data subjects nito, kawalan ng transparency at impormasyon tungkol sa data processing, labis na koleksyon ng biometrics data, at posibleng panganib tulad ng identity theft.
Dahil dito, agarang pinapahinto ng NPC ang operasyon ng lahat ng personal data processing activities ng TFH kabilang ang pagkalap at pagproseso ng mga biometrics tulad ng iris scans.
Ang Tools for Humanity ang nasa likod ng mga kilalang application na World App at Orb verification system.









