NSC: Counter measures laban sa pag-atake ng China sa WPS, hindi nakasentro sa pagpapalakas ng militar

Inihayag ng National Security Council (NSC) na hindi purong military ang planong counter measures laban sa patuloy na pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NSC Asst. Dir. General Jonathan Malaya, na marami ang nag-aakala na purong militar na hakbang ang magiging pagkilos ng pamahalaan, pero ayon kay Malaya, kasama pa rin dito ang mga diplomatikong pamamaraan.

Nauna na aniyang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang magiging hakbang ng Pilipinas ay pag-iisipang mabuti at naaakma na tugon sa ginawa ng China.


Paglilinaw pa ni Malaya na hindi lamang ito nakatuon sa pagpapalakas ng militar at maging ng defense capabilities kasama ang mga kaalyadong bansa, kundi ang paggamit ng mga diplomatikong hakbang upang maresolba ang usapin.

Samantala, sinabi rin ni Malaya na mas marami pang update tungkol sa iba pang karagatan o isla na sakop ng bansa ang maibabahagi nila kasunod ng pagpapalakas ng maritime domain awareness at maritime security ng Pilipinas.

Facebook Comments