NSC, gagawa ng kaukulang hakbang para maalis ang mga barrier ng China sa Bajo de Masinloc

Mariing kinokondena ng National Security Council (NSC) ang paglalagay ng “barrier” ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc.

Sa isang statement, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na ito ay tahasang paglabag ng People’s Republic of China sa tradisyunal na karapatan ng mga Pilipino na mangisda sa naturang bahagi ng West Philippine Sea na kinikilala ng 2016 Arbitral Ruling.

Giit ni Año, ang anumang bansa na pumigil sa aktibidad na ilang siglo nang ginagagawa ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar ay paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Seas at International Law.


Dahil dito, tiniyak ni Año na gagawa ng kaukulang aksyon ang pamahalaan para maalis ang naturang barrier at mapangalagaan ang karapatan ng mga mangingisda sa lugar.

Samantala, updated aniya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga kaganapan sa West Philippine Sea, partikular sa pag-aari ng Bajo de Masinloc at Ayungin Shoal.

Facebook Comments