NSC, iginiit na nilabag ng China ang soberenya ng Pilipinas

Muling iginiit ng National Security Council (NSC) na nilabag ng China Coast Guard at maritime militia ang soberenya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Ito’y matapos ang ginawang pagbangga ng barko ng China sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, ang patuloy na panghaharang at panghihimasok ng mga barko ng China sa pagsasagawa ng regular at routine resupply missions ay maaaring magresulta sa hindi inaasahang insidente.


Dagdag pa ni Malaya, walang legal na basehan at hindi rin totoo ang pahayag ng China na nagkakasa sila ng aktibidad ng naaayon sa batas sa West Philippine Sea lalo na’t wala silang karapatan sa Ayungin Shoal.

Kaugnay nito, muling inihayag ng NSC na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas at walang karapatan dito ang China.

Ang pahayag ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa isinagawang press briefing kasama ang DFA, AFP at Philippine Coast Guard.

Facebook Comments