NSC, inakusahan ang China na gumagamit ng psywar sa isyu sa Ayungin Shoal

Taktika lamang ng China ang kanilang sinasabi na nangako umano ang Pilipinas na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, psychological warfare o psywar lamang ang ginagawa ng China.

Aniya, dahil sa pahayag na ito ng China, nagkakagulo ngayon ang bansa sa pagtuturuan kung sino ang traitor na nangako umano para isuko ang ating karapatan sa Ayungin Shoal.


Ito’y matapos sabihin ni dating Presidential Spokesperson Rigoberto Tiglao na may ebidensya siya na si dating Pangulong Estrada ang nangako nito.

Babala ni Malaya, baka mahulog ang Pilipinas sa bitag ng China kung magtuturuan at mag-aaway-away ang mga Pilipino.

Ani Malaya, pabor sa China kung hindi nagkakaisa ang Pilipinas sa naturang usapin.

Kung tutuusin aniya ay wala nang dapat pag-usapan pa tungkol sa pag-aalis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, dahil nagsalita na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sinabing walang ganoong pangako ang Pilipinas at kung mayroon man ay agad nya itong pinawawalang bisa.

Facebook Comments