Hindi napapanahon ang pagbuwag ng National Task Force to End Local Communist Against Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang pahayag ni National Security Council (NSC) Assistant Director Jonathan Malaya kasunod ng rekomendasyon ni UN Special Rapporteur Irene Khan na buwagin ang NTF-ELCAC.
Ayon kay Malaya, hindi tamang ipanawagan ito sa panahong nananalo na ang pamahalaan laban sa insurgency.
Gumagana aniya ang exploratory talks ng gobyerno sa pagitan ng CPP-NPA-NDF.
Dagdag pa ni Malaya, sa nakalipas na 52 taon ng insurgency kung saan may naitalang 40,000 na pagkamatay at trilyong dolyar at pisong epekto nito sa ekonomiya ng bansa ay hindi maaaring buwagin ang task force.
Gamechanger aniya ang NTF-ELCAC sa laban ng gobyerno kontra communist terrorism.
Gayunpaman, sinabi ni Malaya na bukas naman ang NTF-ELCAC sa mga reporma at transpormasyon.
Umaasa rin si Malaya na ikokonsidera ni Khan ang mga rekomendasyon ng pamahalaan sa sandaling maisapinal nito ang kaniyang report.