Mariing pinabulaan ni National Security Adviser (NSA) Secretary Eduardo Año ang pahayag ng Chinese Coast Guard na pinaalis umano nila ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon sa NSC, walang patid ang presensya ng PCG at BFAR sa Bajo de Masinloc alinsunod sa rotational deployment ng kanilang mga barko simula ngayong buwan.
Sinabi na Año na ang hakbang na ito ay bahagi ng vision ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para tiyakin ang food security ng bansa.
Binigyang diin din ng kalihim na ang Pilipinas ang may hurisdiksyon sa Bajo de Masinloc at sa nakapalibot na karagatan, alinsunod sa International Law.
Kamakailan ay iniulat ng NSC na matagumpay na nakumpleto ng BRP Teresa Magbanua ang siyam na araw na pagpapatrolya sa Bajo de Masinloc at kasalukuyan namang nagpapatrolya ang BRP Datu Tamblot simula nitong Pebrero 14.