Walang namo-monitor na anumang banta ang National Security Council (NSC).
Ito’y sa kabila nang ibinunyag ni Senator Imee Marcos hinggil sa umano’y hypersonic missiles ng China na nakaumang sa Pilipinas.
Ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa senadora para berepikahin ang kanyang impormasyon.
Ani Malaya, kamakailan lamang nang pagtibayin ng Pilipinas at China ang kanilang commitment na pahupain ang tensyon sa West Philippine Sea sa katatapos lamang na 9th Bilateral Consultation Meeting.
Mayruon din aniyang development sa sitwasyon sa WPS kabilang ang aniya’y gumagandang maritime communications kung kaya’t wala silang nakikitang imminent attack mula sa China.
Matatandaang sa Facebook post ng senadora sinabi nitong naaalarma siya sa umano’y plano ng China na maglunsad ng hypersonic missiles laban sa military bases o Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites ng United States sa Pilipinas.
Karamihan aniya nung 25 targets ay nakatutok sa 9 na EDCA sites kabilang ang Ilocos region, Batanes at Subic sa Zambales.