Aminado ang National Telecommunications Commission (NTC) na magiging mahirap ang pag-trace sa mga nasa likod ng laganap na text scam messages.
Paliwanag ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, prepaid number kasi ang ginagamit ng mga text scammer na aniya’y hindi rehistrado hindi gaya ng postpaid numbers kung saan may database ng kanilang mga kliyente ang mga telecommunication company.
Dahil dito, sinabi ng NTC na kinakailangan nang magkaroon ng mandatory SIM Card Registration para mapigilan ang text scams at iba pang uri ng cybercrimes.
Una nang inatasan ng National Privacy Commission (NPC) ang mga telco na magpaliwanag kung bakit nakalulusot sa kanilang mga subscriber ang nauuso ngayong text scam na nag-aalok ng trabaho.
Samantala, maging ang Department of Justice – Office of Cybercrime (DOJ-OCC) ay nagbabala sa publiko sa inaasahang lalong paglaganap ng mga kaparehong text scams ngayong holiday season.