NTC, bubusisiin ang proposed joint venture sa pagitan ng TV5 at ABS-CBN

Bubusisiin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang proposed joint venture sa pagitan ng TV5 at ABS-CBN.

Sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na sisilipin nila kung may nalabag sa inisyung Memorandum Order 3-06-2022 ng NTC na nagbabawal sa sinumang nabigyan ng prangkisa na pumasok sa commercial agreement sa mga may outstanding obligation sa kinauukulang ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), NTC at Securities and Exchange Commission (SEC).

Giit pa niya, may kapangyarihan ang NTC para busisiin ang kasunduan dahil ang prangkisa ay pribilehiyong ibinigay ng gobyerno kaya kailangan lang matiyak na ang pribilehiyong ito ay nagagamit nang tama.


Dagdag pa niya, binubusisi pa nila ang mga paglabag ng ABS-CBN na lumutang sa imbestigasyon ng Kongreso noong 2020 ang iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Justice, Land Registration Authority, at Philippine Competition Commission.

Nanindigan pa si Cordoba na ang ginagawa ng NTC ay hindi panggigipit dahil ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng Memorandum Circular ay ipinatutupad din sa iba pang franchise holder.

Facebook Comments