NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, pinagbibitiw sa pwesto

Pinagbibitiw sa pwesto ni Deputy Speaker at 1-SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta si National Telecommunications Commissioner (NTC) Gamaliel Cordoba dahil sa hindi nito ginagawa ang kanyang trabaho.

Nabatid sa virtual hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, na bukod sa Channel 43 ng Amcara Broadcasting sa TV Plus ay ginagamit din ng ABS-CBN ang wireless digital broadcast service ng Sky Cable para ipalabas ang kanilang mga programa.

Iginiit ni Marcoleta sa ipinadalang sulat ng NTC sa Office of the Solicitor General na ang Channel 43 at ang ginagamit na wireless digital broadcast service ng ABS-CBN sa Sky Cable ay parehong expired o napaso na.


Kinukwestyon ng kongresista kung bakit inabot ng 19 na araw bago nakapagdesisyon ang NTC na mag-isyu ng alias Cease and Desist Order (CDO) gayong malinaw na may nilalabag ang giant network sa naunang CDO.

Giit ni Marcoleta, malaking insulto para sa Kamara ang ginawa ng NTC kaya dapat na magbitiw na sa pwesto si Cordoba dahil sa hindi nito nagampanan ng maayos ang kanyang tungkulin.

Katuwiran naman ni Cordoba, ngayon lamang sila nakapagdesisyon na maglabas ng alias CDO dahil kaninang umaga lang nila natanggap ang rekomendasyon ng SolGen at ginawa nila ito dahil nag-iingat lamang sila sa kanilang mga hakbang na gagawin.

Samantala, nangako naman sa Kamara ang NTC na bago matapos ang araw ay ipapatigil na nila ang pag-ere ng mga programa ng Kapamilya network sa Channel 43.

Facebook Comments