Humingi na ng tulong ang National Telecommunications Commission (NTC) sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) upang mahanap ang mga nasa likod ng iligal na paggamit ng emergency text alerts.
Sa gitna ito ng pagtalakay ng Senado sa panukalang budget ng ahensya.
Pag-amin ng NTC, mahihirapan sila sa pag-iimbestiga kung walang tulong ng mga awtoridad.
Ang mga emergency text alert ay ginagamit ng gobyerno sa pagbibigay ng babala tuwing may kalamidad o insidente.
Pero nitong Oktubre, nagkaroon ng emergency text alert blast nang maghain ng kandidatura sa Halalan 2022 si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Iginiit naman ni Senator Grace Poe na walang kinalaman ang taong binabanggit sa isang text blast dahil makakasama iyon sa kanila.
Wala namang binanggit ang NTC na partikular na insidente na humingi ng tulong sa PNP at NBI.
Itinanggi na rin ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na galing sa kanila ang text message.