Dahil sa epekto ng bagyong Tisoy sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad ay ipinag-utos ngayon ng pamanuan ng National Telecommunications Commission(NTC) sa lahat ng Telecommunication entities na magkaloob ng libreng tawag at libreng Charging ng mobile phones sa Publiko.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council(NDRRMC) malaking bahagi ng lalawigan ng Samar at Bicol Region at iba pang bahagi ng Luzon na kasalukuyang binabayo ng bagyo ang nawalan ng suplay ng Kuryente at naputol na rin ang komunikasyon.
“Pending restoration of power and telecommunications services in areas severely affected by Typhoon Tisoy, You are hereby directed to offer “ libreng tawag and libreng charging” services in strategic areas in Cities and municipalities severely affected by the Typhoon.” Ayon sa Memorandum ni NTC Commissioner Gamaliel A. Cordoba.
Kanya ring inatasan ang mga telcos na magsumite ng report sa kanyang tanggapan hinggil sa kanilang pagtalima sa naturang kautusan.
Nitong Martes, December 3,2019, patuloy na binabayo ng bagyo ang katimugang bahagi ng Luzon dahilan para suspendihin ng mga otoridad ang biyahe ng mga barko at iba pang sasakyang pandagat.
Matatandaan na una nang nagpalabas ng memorandum si Cordoba sa lahat ng nasa sektor ng telekomunikasyon na siguraduhin na sapat ang bilang ng mga technical at support personnel nila na magbabantay para ma siguro ang tuloy-tuloy na serbisyo publiko sa gitna ng kalamidad.
Higit na ipinaalala ng ahensiya ang pagkakaroon ng standby generators na may extra fuel, tools at spare equipment sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Inatasan din ni Cordoba ang mga telecommunication companies na maghanda ng mobile cellsites upang kagyat na magamit oras na bumigay ang linya ng komunikasyon sa mga rehiyon na apektado ng bagyo. At dahil kasalukuyang ginanap sa bansa ang 30th South East Asian(SEA) Games, inabisuhan din ng opisyal ang mga Telcos na regular na makipag-ugnayan sa PAGASA para mahigpit na monitoring ng Tropical Cyclone advisory.