Binigyan diin ngayon ng National Telecommunications Commission (NTC) na sumunod lamang sila sa itinatakda ng batas sa pagpapalabas ng cease and desist order (CDO) para sa agarang pagpapahinto ng operasyon ng ABS-CBN Broadcasting Corp. matapos mapaso ang kanilang congressional franchise.
Ito ang sagot ng NTC kasunod ng banta ni House Committee on Legislative Franchises Chairman Franz Alvarez na maaari silang i-contempt dahil sa hindi pagpapalabas ng provisional authority para maituloy ang operasyon ng ABS-CBN.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios na handa silang humarap sa Kongreso upang ipaliwanag ang kanilang panig.
Ayon kay Cabarios, pinag-aralan mabuti ng kanilang legal team ang resolusyon ng Kongreso pero hindi aniya ito maaari, batay sa itinatakda ng batas.
Nagpaliwanag din si Cabarios sa dahilan kung bakit hindi kasama ang ABS-CBN sa memorandum na ipinalabas ng NTC para sa extension ng prangkisa ngayong panahon ng COVID-19 crisis.
Sinabi ni Cabarios na bagama’t nakikisimpatya sila sa ABS-CBN, kinakailangan pa rin na sumusunod sa batas.
Batay sa Section 16 ng Republic Act 7925, nakasaad na walang sinuman ang maaaring makapagsagawa ng negosyo bilang public telecommunications entity nang walang prangkisa mula sa Kongreso.