
Inatasan ngayon ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng Public Telecommunications Entities (PTEs) at Internet Service Providers na tiyakin ang tuloy-tuloy at matatag na internet connectivity sa buong bansa para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang maayos at mapayapang pagsasagawa ng halalan sa Mayo 12, 2025.
Sa inilabas na Memorandum Order, pinatitiyak ng NTC sa mga ito na matatapos bago ang Mayo 3 ang lahat ng network installation, pagkukumpuni, at maintenance works.
Habang ang lahat ng malawakang network repairs at maintenance mula Mayo 5 hanggang 14, 2025 ay dapat munang ipagpaliban.
Sinabi naman ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda na makakaasa ang publiko na ang digital infrastructure na may kaugnayan sa May 12, 2025 Elections ay tunay na sumasalamin sa integridad na inaasahan sa sa mga democratic institutions.









