Inamin ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Senado na nangyayari na ang “real-time” na hacking sa mga cellphones.
Ito’y matapos tanungin ni Senator Raffy Tulfo ang NTC sa pagdinig Senate Committee on Public Services kung saan naitanong niya ang reklamo na hacking sa cellphone matapos gumamit ng public wifi.
Ipinaliwanag ni Industry Planning and Research Division Chief Mary Coleen Cas na mayroong device na ginagamit ang mga hacker sa gitna ng paguusap sa cellphone.
Tinatawag aniya itong IMSI Catcher o International Mobile Subscriber Identity Catcher.
Gayunman, wala pang device ang NTC na makakadetect ng IMSI Catcher pero mayroon nang nadakip ang PNP na gumagamit nito.
Iginiit ni Tulfo na dapat may nagagawa ang gobyerno laban sa ganitong hacking at hindi sapat ang paalala lang mula sa gobyerno, mga bangko at private institutions.