Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na tutulong ang National Telecommunication Commission (NTC) sa pagpapatupad ng television o TV at radio-based education para sa susunod na pasukan.
Ito’y matapos makipag-ugnayan ang pamunuan ng DepEd sa NTC ukol dito.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, naglabas ang NTC ng isang memorandum na nagpapaalala sa mga TV at radio operators na tungkulin nilang maglaan ng libreng oras para sa public information at education.
Maliban dito aniya ipinag-utos din NTC sa mga TV, radio at cable operators na ipalabas ang mga educational material at instructions bilang bahagi ng DepEd Basic Educational Learning Continuity Plan.
Layunin nito na mapalakas ng DepEd ang education delivery sa pamamagitan ng TV at radio, mapa-cable man, free channel at government-owned TV station.
Ang TV at radio ay isa mga gagamitin ng DepEd upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa bansa habang patuloy pa rin ang banta ng COVID-19.