Nasermunan ni Committee on Public Service Chairman Senator Grace Poe ang National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay sa imbestigasyon sa naglipanang text scams.
Sa pagdinig ng komite, nagpahayag ng sobrang pagkadismaya si Poe sa pagkukulang ng NTC para masolusyunan at mapigilan ang paglipana ng spam at text scams
Puna ni Poe, puro lamang pagpapakalat ng impormasyon o text blast warning ang iniuutos ng NTC na pinapagawa sa telecommunications company at naghihintay lamang ang NTC sa ipapasa ng Kongreso na SIM Card Registration.
Aminado si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na mayroong software blocking sila na napag-uusapan na tutukoy at pipigil sa pagkalat ng text scams pero kulang pa sila ng kakayahan dito.
Nasita rin ni Poe ang NTC na sariling hotline nito ay hindi kabisado at wala man lang linya na maaaring tumanggap ng mga sumbong ng publiko sa text spams at scams.
Katwiran pa ni Cordoba, inalis nila ang hotline dahil madalas na ang isinusumbong lang na reklamo ay kaaway at walang kinalaman sa scams at spams gamit ang cellphones.
Natawa na lamang din ang senadora nang malaman na aabot lang sa 800 ang reklamo na natanggap at na-block na numero ng NTC gayong 100 million na mga Pilipino ang may cellphones at aabot sa milyon-milyon din ang reklamo sa text scams.