Pinagpapaliwanag ngayon ng House Committee on Legislative Franchises ang mga opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) kung bakit hindi sila dapat ma-cite in contempt dahil sa pag-iisyu ng cease and desist order sa ABS-CBN noong Mayo 5, 2020.
Nag-isyu ng “show cause order” ang Kamara kung saan binibigyang direktiba ang NTC na magpaliwanag sa loob ng 72 oras kaugnay sa naging hakbang sa ABS-CBN sa kabila ng pangako noong una ng NTC na mag-iisyu ng provisional authority para mapayagan na mag-operate ang network habang dinidinig ng komite ang kanilang prangkisa.
Kabilang sa mga pinagpapaliwanag para hindi ma-cite in contempt sina NTC Commissioner Gamaliel Cordova, Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, Deputy Commissioner Delilah Deles at NTC Legal Branch Head Atty. Ella Blanca Lopez.
Iginiit ni Legislative and Franchises Committee Chairman Franz Alvarez, ang ginawa ng NTC ay panghihimasok at pagsuway sa kapangyarihan ng Kamara na isang pagsira sa dignidad at pambabastos sa authority ng Mababang Kapulungan.
Matatandaan aniya na noong March 10, 2020 ay malinaw ang napagkasunduan na bibigyan ng NTC ng provisional authority to operate ang giant network na consistent naman sa posisyon ng Department of Justice (DOJ) at sa direktiba ng Kamara na dapat payagan ang ABSCBN Corp., na umere hanggang sa mapagdesisyunan na ang aplikasyon sa franchise nito.