Binigyang linaw ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kumakalat na text message na nagsasabing maaaring mawala ang laman ng mga GCash account kapag nag-update ang telecommunications company sa April 26, ang deadline ng SIM card registration sa bansa.
Ayon kay Atty. Lanting-De Mesa, walang katotohanan ang nilalaman ng text message, wala rin umano abiso mula sa GCash, maging sa mga telecom, patungkol sa nasabing impormasyon.
Nilinaw pa ng opisyal na kapag hindi nakapag-register, magreresulta ito ng pag-deactivate ng SIM card numbers at pagkawala ng access sa GCash, Paymaya at iba pang bank transfer applications.
Samantala, ibinahagi rin ni Atty. Lanting-De Mesa ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit ayaw magrehistro ng ilang mamamayan.
Isa na aniya dito ay dahil nangangamba ang ilan na hindi maprotektahan ang kanilang data privacy, luma ang unit o modelo ng cellphone na ginagamit ng ilan, dahilan para hindi sila maka-access sa internet at hindi makapagrehistro.