Umapela ang Malacañang sa National Telecommunications Commission (NTC) na aksyunan ang pangit na serbisyo ng mga telecommunications company sa bansa.
Kasunod ito ng sunud-sunod na reklamo ng publiko dahil sa palpak umanong serbisyo hindi lamang sa internet connection kundi pati sa telephone services ng mga ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat magsumbong ang publiko sa NTC para malaman kung may nagawa na bang aksiyon ang Globe at Smart para mapahusay ang kanilang serbisyo.
Aniya, mismong siya ay biktima ng pangit na serbisyo ng telco sa bansa.
Sinabi pa ni Roque na panahon na para pumasok at makapag-operate na ang third telco para mayroong alternatibo.
Maliban dito, dapat ding magsumite ang Globe at Smart ng service improvement report para mabatid kung naging maayos na ang serbisyo ng dalawang telcos.
Matatandaang sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo, pinagbantaan nito ang Globe at Smart na ayusin ang serbisyo hanggang ngayong buwan ng Disyembre dahil kung hindi ay maaring maipasara ang kanilang mga kompanya.