Sinang-ayunan ni National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba ang pag-amyenda ng batas sa franchise renewal ng public utilities para maiwasan ang kahalintulad na sitwasyon ng ABS-CBN sa kasalukuyan.
Kasunod ito ng pagdinig ng Senado sa Senate Bill No. 1530 na inilatag ni Minority Leader Franklin Drilon na layong alisin ang expiration ng legislative franchises ng may mga pending applications para sa renewal.
Ayon kay Cordoba, malaking bagay ito para sakaling may hindi pa naaayos sa franchise renewal ang anumang network ay makakapag-operate pa rin ito.
Sang-ayon din dito si dating Associate Justice Antonio Carpio kung saan sinabi nitong maitatama ang diskriminasyon sa pantay-pantay na proteksyon ng batas.
Nilinaw naman ni Cordoba na ang kasalukuyang probisyon ng revised Administrative Code ay tanging mga permit at lisensya lamang na ini-isyu ng administrative agencies at hindi ng legislative branch.