Aminado ang Philippine Coast Guard (PCG) at National Task Force (NTF) Against COVID-19 na malaki ang epekto sa kanila ng naging desisyon ng Philippine Red Cross (PRC) na itigil na ang libreng COVID-19 test dahil sa halos isang bilyong pisong utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, balik sa mano-mano ang lahat ng proseso na kanilang ginagawa kung saan sa pagfill-up ng mga form at labeling sa mga pinaglalagyan ng swab sample ay sulat kamay na ang ginagawa ngayon.
Hindi rin aniya agad maisalang sa swab test ang mga overseas Filipinos o mga magpapasuri dahil sa mano-mano na rin ang pre-swab process habang ang mga swab sample naman ay tingi-tingi na rin ang paghahatid sa mga laboratory kung saan ang resulta ay hindi na mai-email ng direkta sa pasyente.
Ito ay dahil balik na sa proseso na ang command center ang magbibigay ng resulta sa pasyente kapag negatibo ang resulta at ang Bureau of Quarantine naman kapag positibo ito sa virus.
Iginiit naman ni NTF Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon na asahan na bababa ang testing output dahil sa pagtigil ng Red Cross kung saan kinakailangan na daw na maayos ang issue sa PhilHealth.
Umaasa naman si Dizon na mareresolba ng PhilHealth ang problema sa Red Cross lalo na’t maraming mga Filipino ang nangangailangan ng tulong.
Matatandaan na nauna nang itinigil ng PRC ang pagsasagawa ng libreng COVID-19 testing para sa mga OFW, medical frontliners, at iba pang Pinoy mula nitong Oktubre 15 dahil sa utang na P930 milyon ng PhilHealth.