Tinatrabaho na ng National Task Force Against COVID-19 ang paghahatid ng kinakailangang tulong sa Sulu at Tawi-Tawi.
Ito ay matapos na magpasaklolo sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pamahalaang panlalawigan ng Sulu matapos na ma-detect sa kalapit nitong Sabah, Malaysiya ang bagong strain ng COVID-19 na unang nadiskubre sa UK.
Sa pulong ng IATF sa Malacañang kagabi, sinabi ni NTF Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na nakikipag-ugnayan na sila sa militar para mapigilang makapasok sa mga nasabing probinsya ang bagong uri ng SARS-CoV-2.
Kaugnay nito, iminungkahi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na harangin muna ang paglalabas-masok ng mga tao sa Sabah.
Samantala, ayon kay Galvez, nakikipag-ugnayan na rin sila sa response team ng pamahalaan para paigtingin ang surveillance sa mga paliparan para matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang bagong COVID-19 strain.
Pinalawig na rin ng dalawa pang linggo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang travel ban sa UK na dapat sana ay matatapos sa December 31, 2020.
Ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III, ikokonsidera lamang ang travel ban kapag nasa lebel na ng community transmission ang new variant ng COVID sa UK.
Sa ngayon, iminungkahi ng kalihim na gawing mandatory ang pagtapos ng 14-day quarantine period sa New Clark City ng mga pasaherong manggagaling sa UK.