Sinusuportahan ng National Action Plan against COVID-19 ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa pagtatayo ng Hemodialysis Center na malaking benepisyo sa mga COVID-19 patients ngayong may pandemya.
Ayon kay National Action Plan against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., kapag naitayo ang center malalagyan ito ng 200 Hemodialysis machines na makakatulong sa kapasidad ng bansa para maka-rekober ang mga COVID-19 patients.
Pero bago magawa ang gusali, kinakailangan na mabakante ang area na pagtatayuan nito.
Dahil dito, 25 pamilya na maituturing na informal settlers ang kailangang paalisin sa area.
Sinabi ni Galvez na ngayong may pandemya ay umaapela sila sa publiko ng pang-unawa para sa kapakanan ng mga COVID-19 patients lalo’t ang NKTI ang may karapatan sa area.
Aniya, kapag naitayo ang Hemodialysis Center ay hindi lamang mga taga-Quezon City ang makikinabang dito kundi maging ang iba pang mga lungsod sa Metro Manila.
Giit pa ni Galvez, gusto lamang nilang i-prayoridad ngayong panahon ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na “buhay muna bago ang lahat.”
Hindi aniya dapat maantala ang pagtatayo ng health project na ito.