Nagsagawa ng pagpupulong ang mga opisyal ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 at Regional Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Cebu City.
Tinalakay nila ang mas magagandang estratehiya para mapababa ang kaso ng COVID-19 sa siyudad.
Kasama sa pagpupulong ay mismong si NTF Against COVID-19 Chairman at Department of National (DND) Secretary Delfin Lorenzana, NTF Chief Implementer at Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. at bagong talagang overseer ng Cebu City’s COVID-19 response, at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu.
Sa pagpupulong, sinabi ni Secretary Lorenzana na kailangan nilang tutukan ang siyudad para mapigilan ang pagkahawa-hawa ng COVID-19 kaya pinaalalahanan din nito ang NTF at IATF na magpursige pa sa pagta-trabaho.
Bukod sa pagpupulong, nagbigay rin ang NTF sa local government ng Cebu ng 10,000 N95 facemasks, 2000 sets ng Personal Protective Equipments (PPEs), tatlong PCR machines at 10,000 Sansure BioTech Inc. test kits.
Sa kasalukuyan ay nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City dahil sa patuloy pagdami ng positive sa COVID-19.