NTF-ELCAC, dismayado sa naging desisyon ng korte na nagbabasura sa petisyon ng DOJ na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang teroristang grupo

Hindi maitago ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Ret. General Emanuel Salamat ang pagkadismaya sa inilabas na desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 19 na nagbabasura sa petisyon ng Department of Justice (DOJ) na humihiling na ideklarang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA)

Ayon kay Salamat, sadyang nakakalungkot ang naging desisyon ng korte dahil tila sinasalungat nito ang naunang proklamasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang teroristang grupo dahil sa paghahasik ng karahasan at takot sa bansa.

Sinabi pa ni Salamat na parang nawala rin ang lahat nang pinaghirapan ng mga sundalo, pulis at iba pang law enforcers na nagbuwis ng buhay makamit lamang ang kapayapaan.


Bagama’t inirerespeto nila ang naging desisyon ng korte, nanindigan itong hindi magpapatinag ang pwersa ng pamahalaan laban sa mga rebeldeng grupo na nais maghasik ng gulo sa bansa.

Nabatid na ang CPP-NPA ay inilagay bilang teroristang organisasyon sa ilang mga bansa tulad ng United States, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, at New Zealand.

Facebook Comments