
Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi bubuwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa gitna ng panawagan ng isang kongresista na i-abolish ang task force.
Ito ang inanunsyo ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya sa Malacañang press briefing.
Ayon kay Malaya, kinikilala mismo ng pangulo ang tagumpay ng task force sa pagpapahina ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF).
Batay sa ulat ng NTF-ELCAC, bumagsak sa pinakamababang bilang ang mga natitirang pwersa ng NPA.
Mula sa dating 89 guerilla fronts, isa na lamang ang natitirang “weakened” guerilla front sa Camarines Sur, na inaasahang madi-dismantle na rin ngayong taon.
Sa kasalukuyan, nasa 1,050 na lamang ang natitirang armadong kasapi ng NPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan ng pagbagsak ng CPP-NPA ang pagkawala ng mga pangunahing lider nila tulad nina Joma Sison, Benito at Wilma Tiamzon, at Myrna Sularte, gayundin ang pinaigting na operasyon ng militar at pulisya, ang Barangay Development Program, at ang localized peace engagements.
Dahil din aniya sa paghina ng pwersa ng rebeldeng grupo, hindi na makakapaningil ng “revolutionary tax” ang mga ito at hindi na rin makakapagpatupad ng “permit to win” at “permit to campaign” sa darating na halalan, na matagal nang isyu tuwing eleksyon.