
Nakatakdang maghain ng reklamo sa Commission on Elections (Comelec) ang Gabriela Women’s Party-list at ibang women’s rights organization laban sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang reklamo ay dahil sa umano’y partisan political activities ng NTF-ELCAC at ang pag-ugnay ng mga ito sa ilang kongresista at partido sa insurgent groups.
Kanina, naghain din ang Makabayan Bloc ng complaint sa poll body dahil sa naranasang red tagging at harassment habang nagsasagawa ng kanilang kampanya.
Sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na itinuturing nilang seryosong usapin ang mga natanggap na ganitong reklamo.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11116, kasama sa ipinagbabawal ang red-tagging sa mga indibidwal at mga samahan.
Bawal din ang diskriminasyon sa mga kababaihan, persons with disabilities, mga miyembro ng cause-oriented groups at ang paghanay sa mga indibidwal, grupo o organisasyon sa mga terorista kung wala namang ebidensiya.