Ipinagbubunyi ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang naging desisyon ng korte na guilty sa kasong child abuse sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, dating Bayan Muna Party-list Representative Satur Ocampo at iba pa.
Sa isang statement, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na ang desisyon ay isang malaking tagumpay sa mga katutubo sa Talaingod, Davao del Norte na biktima ng pagsasamantala at pang-aabuso ng kilusang komunista.
Ayon pa kay Torres, nangangahulugan lamang na gumagana ang ating judical system at pino- protektahan ang karapatan ng mamamayan.
Kasunod nito pinapurihan ng NTF ELCAC ang Department of Justice, Office of Solicitor General, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pagsisiguro na maigagawad ang hustisya.
Malinaw rin ani Torres ang mensahe ng desisyon ng korte na lahat ng lumabag sa batas ay maparurusahan at lahat ng inaapi ay mabibigyan ng hustisya.
Sa nasabing desisyon ng Regional Trial Court, Branch 2 ng Tagum City, Davao del Norte, sinentensyahan ang mga akusado ng mula apat na taon at 9 na buwan hanggang 6 na taon at 8 buwang pagkakulong dahil sa paglabag sa RA 7610 o Child Abuse Related to the Illegal Holding and Transportation of Minors.