NTF-ELCAC, pinadagdagan ng Kamara ng pondo sa 2022

Pabor si House Speaker Lord Allan Velasco na dagdagan ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa 2022.

Ito’y kahit hindi pa nagagamit ng gobyerno ang ilang milyong pondo ng ahensya para sa anti-insurgency campaign nito.

Kung si Velasco ang tatanungin, naniniwala siyang kailangang dagdagan pa ang pondo ng NTF-ELCAC sa ilalim ng 2022 national budget upang mas marami pang barangay mula sa malalayong lugar ang maabot ng tulong ng pamahalaan.


Tinukoy ng speaker na kaya nahihikayat ang mga tao sa mga malalayong probinsya na maghimagsik laban sa pamahalaan ay dahil hindi nila ramdam ang gobyerno.

Pero bago aniya magdesisyon ang Kamara na bigyan ng mas mataas na pondo ang NTF-ELCAC ay iimbestigahan muna ng Mababang Kapulungan ang mga isyu sa ahensya gayundin ang unspent funds sa 2021 para mabatid kung talagang kailangan ng ahensya ng dagdag na pondo.

Batay sa Commission on Audit, aabot lamang sa 12% o katumbas ng ₱86 million ang nagastos ng Philippine National Police (PNP) mula sa ₱722 million na pondo para sa anti-communist programs.

Facebook Comments