Hinikayat ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga nalalabi pang kasapi ng New People’s Army (NPA) na sumuko na kung ayaw nilang makasuhan ng paglabag sa Anti-Terrorism Law.
Ito’y kasunod na rin ng desisyon ng Korte Suprema na naayon sa konstitusyon ang 99% ng Anti-Terrorism Act of 2020 o Republic Act 11479 at magiging epektibo ito sa darating na January 15 ng taong kasalukuyan.
Una nang inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na nagsampa sila ng kaso laban sa 11 pinaghihinalaang miyembro ng NPA na naka-engkwentro ng tropa ng pamahalaan sa Occidental Mindoro noong Mayo ng nakaraang taon na magiging unang pagsubok sa Anti-Terrorism Law.
Ayon sa NTF-ELCAC, kapag na-convict o nakasuhan ang mga akusado, ito ang magiging unang makasaysayang pagkapanalo sa korte sa ilalim ng Anti-Terrorism Law laban sa kilusang komunista.