Ikinatuwa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang naging mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Kongreso na suportahan ang paggawad ng amnestiya sa mga rebel returnees.
Ayon kay Usec. Ernesto Torres Executive Director, National Secretariat, NTF-ELCAC, repleksyon lamang ito ng commitment ng bansa sa pagkamit ng pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad sa kabila ng mga pagsubok dulot ng terorismo na matagal nang nakaka-apekto sa tuluyang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ni Usec. Torres na ang naturang amnesty initiative ng pangulo ay makatutulong sa patuloy na panawagan ng NTF-ELCAC sa ilang mga rebelde at makakaliwang grupo na ibaba ang kanilang armas at magbalik loob na sa pamahalaan.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mas marami ang mabebenepisyuhan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program na layong bigyan ng pagkakakitaan ang mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDF nang sa ganon ay tuluyan na nilang talikuran ang madugong pakikibaka.
Kasunod nito, umaasa ang NTF-ELCAC na susuportahan ng buong sambayanan ang panawagan ng pangulo tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.