NTF, hinimok ang mga LGU na magpasa ng ordinansa para sa “no vaccine preference policy”

Hinikayat ng National Task Force Against COVID-19 ang mga local government unit (LGU) na magpasa ng ordinansang susuporta sa “no vaccine preference policy.”

Ayon sa NTF, layon ng panukala na matiyak na magagamit ang lahat ng bakuna.

Matatandaang ilang beses nang sinabi ng mga health expert na epektibo ang lahat ng brand ng bakuna sa pagbibigay proteksyon sa mga tao laban sa severe case at posibleng pagkamatay dahil sa COVID-19.


Sabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., paunang hakbang ito habang itinutulak nila ang mandatory vaccination lalo na sa mga highly vulnerable at mga residenteng nakatira sa malalaking populasyon.

Bukod dito, magpapalabas din ang National Vaccination Operations Center ng memorandum na naglalaman ng incentives gayundin ng disincentives para matugunan ang isyu ng vaccine hesitancy.

Samantala, ang pahayag na ito ni Galvez ay kasunod ng target ng gobyerno na makapagturok ng 1.5 million vaccine doses kada araw simula sa November 20.

Facebook Comments