Isinusulong ng National Task Force Against COVID-19 na mabakunahan na sa lalong madaling panahon ang mga bata na limang taong gulang hanggang labing isang taong gulang.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa, bagama’t bahagyang sintomas lamang ang nararanasan ng mga batang tinataman ng COVID-19 ang iba naman ay nakararanas ng tinatawag na long term COVID.
Ito ay ang paghihina ng puso at baga ng mga bata.
Sinabi ni Herbosa na isa ito sa mga dahilan kung bakit ipinupursige ng mga eksperto na mabigyan na rin ng bakuna ang mga ganitong edad na bata kahit pa nasa experimental stage pa lamang ang bakuna para sa kanila.
Mas marami rin at maganda ang benepisyo ng bakuna sa mga bata kesa sa long term negative side effects nito.
Sa ngayon hinihintay na lamang ng Food and Drug Administration (FDA) na maisumite ng Pfizer ang kanilang aplikasyon para sa amendment ng emergency use authorization upang magamit na rin ang kanilang bakuna kontra COVID-19 sa mga batang limang taong gulang hanggang labing isang taong gulang.