NTF, kumpiyansang maituturok ang lahat ng mga bakuna bago ito mapanis ngayong Nobyembre

Puspusan na ang ginagawang panghihikayat at pagbabakuna ngayon ng pamahalaan upang hindi abutan ng pagkapanis ang daan-daang libong doses ng bakunang nasa bansa.

Ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., kabilang sa mga bakunang nakatakdang masira ngayong Nobyembre ay Moderna at AstraZeneca.

Sinabi ni Galvez na inilipat na muna sa gobyerno ang suplay ng Moderna na unang kinuha ng pribadong sektor para magamit na ito agad.


Papalitan na lamang aniya ito sa pribadong sektor kapag may dumating na bagong suplay.

Ang AstraZeneca naman aniya ay dine-deploy na ngayon sa Region 4-A at iba pang rehiyon sa bansa.

Ilan lamang sa mga dahilan kung bakit naiipunan ng suplay ng bakuna at hindi agad naipapadala sa ibang munisipalidad ay dahil sa pagiging sensitibo ng mga ito tulad ng Pfizer, Moderna at AstraZeneca subalit wala namang available na cold chain facility sa mga lugar na pagdadalhan nito.

Kasunod nito, kumpiyansa ang National Task Force na bago mapaso sa susunod na 22 araw ang suplay ng COVID-19 vaccines ay kaya itong maibakuna ng pamahalaan.

Facebook Comments