NTF, mas dapat atupagin ang pagbabakuna kaysa panghimasukan ang Comelec sa usapin ng eleksyon

Walang karapatan ang National Task Force Against COVID-19 na diktahan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga desisyon nito ukol sa paglulunsad ng halalan sa 2022.

Ito ay makaraang sabihin ni NTF Chief Implementer Carlito Galvez Jr., na mukhang malabo ang isang araw lang na botohan dahil sa banta ng COVID-19 variants.

Sabi ni dating Comelec Commissioner Atty. Gregorio Larrazabal, pwede namang pahabain ang oras ng botohan pero hindi ito pwedeng palawigin ng ilang araw dahil maaari itong maging bukas sa dayaan.


Pinayuhan din niya si Galvez na atupagin na lamang ang pagbabakuna.

“Pasensya na po, walang karapatan yung task force to dictate the Comelec kasi Comelec is a constitutional commission, ayusin muna nila yung vaccination. [Also] kaya naman nila mag-plebisito sa isang araw. So, kung kaya nila, bakit hindi natin kaya di ba?” ani Larrazabal sa interview ng RMN Manila.

“Wag niyo i-extend yung araw, wag niyo pauwiin yung mga teachers tapos babalik ulit sa sunod na araw, bawal yun. Tsaka sobrang open sa fraud yon, sobrang dali madaya yon,” dagdag niya.

Pinuna rin ni Larrazabal ang pagtatapyas ng pondo sa Comelec para sa susunod na taon.

“Bakit tinapyas yung budget ng Comelec for 2022? Inawas ng about 50% yung budget nila, e gusto niyo safe election, tapos tinapyasan yung budget, ano ba talaga gusto niyo?” giit pa ni Larrazabal.

Facebook Comments