Hinahanapan na ng National Task Force Against COVID-19 ng hotel rooms para gawing isolation sa mga doktor at nurse na makakapitan ng COVID-19.
Ayon kay NTF at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez III, nakikipagnegosasyon na sila sa mga may-ari ng hotel para mapaglagyan sa mga medical worker na matatamaan ng virus.
Aniya, ang mga medical health worker na ito ay mula sa mga COVID-referral hospital tulad ng Philippine General Hospital, East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines at National Kidney and Transplant Institute.
Tinatayang nasa 80 na mga hotel rooms ang sinisikap ng NTF na ilaan para sa mga medical workers sa PGH, tig-20 para sa mga taga-East Avenue at Lung Center at NKTI.
Giit ni Galvez, nais nilang iparamdam sa mga healthcare worker ang suporta at pasasalamat ng gobyerno sa kanilang walang matatawarang pagtupad sa kanilang tungkulin ngayong pandemya.
Samantala, tiniyak ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na asahan na ang mas marami pang kama para sa COVID patients sa ilang ospital sa Metro Manila sa mga susunod na linggo.
Sinabi ni MMDA Director III Atty. Victor Trinidad na sa pagtatapos ng Abril, magkakaroon ng 16 kama sa Lung Center of the Philippines; 22 kama sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital; at 60 kama sa NKTI.