NTF, naniniwala na dahil sa mataas na vaccination coverage kung kaya’t patuloy sa pagbaba ang kaso ng COVID-19 sa bansa

Naniniwala si National Task Force (NTF) Against COVID-19 Head of Strategic Communications Asec. Wilben Mayor na dahil sa pagsusumikap ng pamahalaan na mabakunahan ang lahat ng eligible population kung kaya’t patuloy na gumaganda ang datos o bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Mayor, malaking tulong din ang kooperasyon ng pribadong sektor at ng publiko upang unti-unti na nating nakakamit ang tagumpay.

Kasunod nito, muling ipinanawagan ni mayor sa mga nagdadalawang isip at hindi pa nababakunahan na ang best Christmas gift na maaaring ibigay ng mga unvaccinated individual sa kanilang sarili, pamilya at komunidad ay ang pagpapabakuna.


Hindi na aniya dapat pang magpatumpik-tumpik ang mga ito at makiisa sa 2nd round ng National Vaccination Day sa Dec. 15 hanggang 17.

Matatandaang nasa 10.2-M Filipinos ang nabakunahan sa unang segwada ng “Bayanihan, Bakunahan” na ginanap mula Nov. 29 hanggang Dec. 3.

Facebook Comments