NTF on COVID-19, naghahanap ng isolation facilities para sa industrial workers sa NCR at CALABARZON

43

Naghahanap na ngayon ng mga gusali ang National Task Force on COVID -19 para gawing isolation facilities ng mga nagtatrabaho sa industrial at techno parks sa Metro Manila, Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal.


Batay sa datos ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH), 34% ng mga COVID cases sa bansa ay naitala sa Region 4-A partikular sa Laguna na nanggagaling sa mga industrial companies.

Ayon kay National Task Force on COVID-19 (NTF COVID-19) Chief Implementer Carlito Galvez Jr., napagkasunduan sa kanilang pagpupulong na lahat ng positibo sa COVID-19 at nagtatrabaho sa industrial at techno parks ay dapat na mayroong isolation facilties at hindi na dapat umuwi sa kanilang pamilya para sa self- quarantine.

Sinabi ni Galvez na hindi na rin dapat nakikihati sa quarantine facilities na itinatayo ng mga Local Government Units (LGUs) ang mga nagpopositibong industrial at techno parks workers dahil puno na rin ang mga ito.

Maaari rin aniyang isama na gastusin ng mga business sector ang pagkakaroon ng sariling isolation facilities para sa kanilang mga empleyado.

Samantala, bukod sa paghahanap ng isolation facilities ay target din ng NTF on COVID-19 na pataasin ang testing capacity sa Laguna na may maraming industrial companies.

Sa ngayon, 400 hanggang 600 test lang kada araw ang nagagawa sa Laguna.




Facebook Comments