NTF on COVID-19, tinawag ang pansin ng mga LGUs na maluwag na ang implementasyon ng ECQ

Pinuna ni National Task Force (NTF) on COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. ang ilang Local Government Units (LGUs) at ibang sangay ng gobyerno na nagiging maluwag na sa implementasyon ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ani Galvez, may mga na-monitor silang lugar na tahasan ang paglabag sa lockdown.

Pinaalalahanan ni Galvez ang mga alkalde at barangay captains na huwag magpakakampante at paigtingin pa ang pagpapatupad ng ECQ.


Tinawag din nito ang pansin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na doblehin ang pag-monitor dahil crucial ang nalalabing mga araw bago ang April 30.

Pinuri naman ni Galvez ang ilang lugar na nagpakita ng halimbawa ng disiplina dahilan upang unti-unti ng gumaganda ang kanilang sitwasyon.

Tinukoy niya ang Baguio City, Valenzuela, Davao City at CARAGA.

Aniya, dapat nang humalaw ng karanasan ang mga LGUs sa mga bansang hindi sumunod sa social distancing at lockdown na nagresulta sa libu-libong namamatay sa kanila araw-araw.

Nauna rito, pinadalahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Show Cause Order ang tatlong gobernador at dalawang alkalde na dahil sa paglabag sa guidelines ng ECQ.

May mga local chief executives para raw ang aasahang maisyuhan ng Show Cause Orders sa mga susunod na araw.

Una nang inisyuhan ng Show Cause Orders ang apat na barangay officials mula sa Quezon City at Caloocan City dahil naman sa paglabag sa physical distancing measures at mass gathering guidelines sa ilalim ng ECQ.

Facebook Comments