Pinayuhan ng National Task Force against COVID-19 ang publiko na huwag maniwala sa hindi beripikadong impormasyong kumakalat sa social media tungkol sa posibleng pagpapatupad ng holiday lockdown ngayong Christmas season para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay NTF Spokesperson Restituto Padilla Jr., hindi dapat pinaniniwalaan ang mga balita at impormasyon na magmumula sa mga unverified sources.
Dapat aniya, beripikahin o kumpirmahin ang impormasyon sa mga kinauukulan o mapagkakatiwalaang organisasyon hinggil sa impormasyon bago ito paniwalaan o ipakalat.
Iginiit ni Padilla na hindi dapat tagalaganap ng fake news ang publiko pero tagasulong ng pagbabago sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
Nabatid na kumalat sa social media ang pagpapatupad ng national lockdown mula December 23, 2020 hanggang January 3, 2021 na una nang pinabulaanan nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Cabinet Secretary Karlo Nograles.